Hope

Sa Kasibu, Nueva Vizcaya, nakasandig sa barikada ang paglaban ng mga katutubo sa pagmimina

Sa Kasibu, Nueva Vizcaya, 24 oras na nagbabantay ang mga katutubo sa mga barikada laban sa isang mining exploration permit. Alam nila ang maaaring kapalit — tulad ng nangyari na sa Didipio at Runruno.

By Mark Lemuel Pabalan · 7 min read · Updated September 12, 2026 · Cagayan Valley

Sa Kasibu, Nueva Vizcaya, nakasandig sa barikada ang paglaban ng mga katutubo sa pagmimina

KASIBU, NUEVA VIZCAYA— Hudyat ang pagsikat ng araw sa pagbabanat-buto ng mga residente ng Kasibu, Nueva Vizcaya sa kanilang mga taniman. Gaya ng kalakhan sa lugar, agrikultura ang pangunahing kabuhayan ni Rhoy Matabye, isang katutubong Tuwali, na mahigit apat na dekada nang naninirahan sa Barangay Kakiduguen.

Subalit bunsod ng panibagong banta ng pagmimina sa kanilang lugar, dagliang nagbago ang takbo ng pamumuhay sa komunidad. Nang ipagkaloob ng DENR - Mines and Geosciences Bureau ang exploration permit sa North Luzon Mineral Resources Corporation (NLMRC) noong Hunyo 25, 2025, batid na nila ang pagsisimula ng panibagong hamon.

Sa halip na igugol ang buong araw sa taniman o sa iba pang pagkakakitaan, salitan nang nagbabantay ang mga residente sa mga barikada upang tiyaking walang makapapasok na tauhan o kagamitan ng kompanya.

Isa si Rhoy sa mga lider sa barikada. (Mark Lemuel Pabalan/AYEJ)
Isa si Rhoy sa mga lider sa barikada. (Mark Lemuel Pabalan/AYEJ)

Bagaman magkakaiba ang pangkat-etniko, magkakasamang itinaguyod ng mga Bugkalot, Ifugao, Ibaloi, Kalanguya, at Kankanaey ang kabundukan ng Kasibu, Nueva Vizcaya bilang kanilang lupang ninuno sa loob ng maraming henerasyon. Kung kaya, walang pag-aatubiling pinili ni Rhoy na makiisa sa pagbabarikada, kasama ang iba pang mga residente, alang-alang sa kanilang lupa, buhay, at pamanang yaman.

Biag iti Daga (Buhay sa Lupa)

Saklaw ng naturang eksplorasyon ang tinatayang 4,456 ektarya ng lupain sa mga barangay ng Pao, Pacquet, Kakiduguen, Catarawan, Biyoy, Sigwen, Muta, at Dine sa Kasibu—mga komunidad na nakasalalay sa yamang likas ng kanilang lupa.

24 oras na nakabantay ang mga residente sa barikada, umulan man o umaraw. (Mark Lemuel Pabalan/AYEJ)
24 oras na nakabantay ang mga residente sa barikada, umulan man o umaraw. (Mark Lemuel Pabalan/AYEJ)

Dito masaganang tumutubo ang sari-saring highland crops tulad ng citrus, repolyo, kamatis, at iba pang gulay, habang nakatuon naman ang kapatagan sa pagtatanim ng palay at mais. Iniluluwas ang tone-toneladang ani mula Kasibu patungo sa mga pamilihan sa Nueva Vizcaya.

Nakaugat sa komunidad ang matibay nilang ugnayan sa tuwing panahon ng pagtatanim at pag-aani. “Kapag nagpatrabaho yung isa, pupunta doon. Tapos kapag ikaw din nagpatrabaho, pupuntahan din ganoon,” paglalarawan ni Rhoy.

Ngunit habang nakikibahagi sa pagbabantay ng barikada, unti-unti ring naaantala ang kanilang kabuhayan. Bagaman may mga tanim na luya at palay, nabawasan ang oras na nailalaan ni Rhoy sa sakahan. “Hindi masyadong maasikaso kasi parang bina-budget yung araw [at] yung oras,” aniya.

Dahil sa angkop na klima, kamatis ang isa sa pangunahing tanim sa Kasibu. (Mark Lemuel Pabalan/AYEJ)
Dahil sa angkop na klima, kamatis ang isa sa pangunahing tanim sa Kasibu. (Mark Lemuel Pabalan/AYEJ)

Nakasalalay naman sa malinis na tubig mula sa kabundukan ang patubig sa mga sakahan, kaya malaking pangamba ng mga residente ang tuluyang pagdumi at pagkasira ng mga ilog sa lugar. Bahagi ang Kasibu ng Magat River Watershed, isa sa pinakamahalagang watershed sa Hilagang Luzon.

Bukod sa pagsasaka, may ilan ding residente ang umaasa sa small-scale mining dahil sa mayamang deposito ng ginto, tanso, at iba pang mineral sa kabundukan ng Kasibu. Noong 2019, sinubukang isulong ng mga residente ang pagtatatag ng Minahang Bayan, ngunit hindi ito naaprubahan dahil sa umiiral na exploration permit ng Royalco Mining Company, ayon sa mga opisyal ng Barangay Catarawan.

Ang tuwirang banta sa kanilang kabuhayan at kalikasan ang mismong nagtulak sa mga residente na magkakasunod na itayo sa iba-ibang barangay ng Kasibu ang mga barikada Mayo nitong taon. Gayong nagsisimula na ang NLMRC sa mga aktibidad nito kaugnay ng exploration permit, layunin ng barikada na harangan ang anumang hakbang ng kompanya.

“Yung kompanya kasi pinilit nilang mag-drilling [at] mag-sampling. Kahit pa yung mga lote-lote, hindi nila pinaalam, basta papasukin nila,” saad ni Rhoy.

Daga a Naggapuak (Lupang Pinagmulan)

Malaon nang nahaharap sa sapilitang pagpapalayas at pangangamkam ng lupang ninuno ang mga katutubo sa Kasibu.

Tulad ng mga magulang ni Arnold Tayan, isang kagawad sa Barangay Pao, marami sa kanila ang orihinal na nagmula sa Benguet na napaalis noong dekada ‘70 dahil sa pagmimina at pagtatayo ng Ambuklao at Binga Dam. Sa bisa ng Proklamasyon Blg. 1498, nailipat ang mga naapektuhang pamilya sa 40,000 ektaryang resettlement area sa Nueva Vizcaya at Quirino.

Sinisiyasat ni Arnold ang kargada ng bawat sasakyang dumaan sa barikada sa Barangay Pao upang masigurong hindi ito kagamitan ng kompanya. (Mark Lemuel Pabalan/AYEJ)
Sinisiyasat ni Arnold ang kargada ng bawat sasakyang dumaan sa barikada sa Barangay Pao upang masigurong hindi ito kagamitan ng kompanya. (Mark Lemuel Pabalan/AYEJ)

Dito sila muling bumuo ng pamayanan. “Kaya nga sila pumunta dito dahil dito daw nila naramdaman ang kalidad pamumuhay na maganda,” dagdag niya.

Ngunit sa paglipas ng mga taon, nasaksihan ng mga residente ng Kasibu ang malawakang pagbabagong idinulot ng pagmimina sa Didipio at sa kalapit na Runruno, Quezon—mga karanasang nagsilbing babala sa maaaring kahihinatnan ng kanilang sariling komunidad.

Isa si Gilbert sa mga lumikas patungong Kasibu matapos maging minahan ng FCF Minerals ang kaniyang dating tahanan at taniman sa Runruno. (Mark Lemuel Pabalan/AYEJ)
Isa si Gilbert sa mga lumikas patungong Kasibu matapos maging minahan ng FCF Minerals ang kaniyang dating tahanan at taniman sa Runruno. (Mark Lemuel Pabalan/AYEJ)

Lalo pa't ilang kilometro lamang mula sa Barangay Pao, patuloy na sumasaklaw sa 27,000 ektarya ang operasyon ng OceanaGold Philippines Inc. sa Didipio mula pa noong 1994, na inaasahang tatagal hanggang 2037.

Gayunpaman, sa deka-dekada nitong operasyon, nakamarka ang mga kontrobersiya hinggil sa sapilitang pagpapalayas, paglabag sa karapatang pantao, at pinsala sa kalikasan. Ayon sa mga residente, patay na ang mga ilog na dating nagbibigay-buhay sa kanilang pananim dahil sa mga kemikal na inilalabas ng korporasyon sa spillway nito.

Batay sa environmental mission ng Advocates of Science and Technology for the People at Alyansa ng Novo Vizcayano Para sa Kalikasan, may matinding kontaminasyon ng mga nakalalasong metal tulad ng tanso, tingga, at arseniko sa mga ilog malapit sa mga minahan sa Didipio at Runruno, na anila’y nagdudulot ng malaking peligro sa kalikasan, kalusugan ng mga residente, at suplay ng pagkain.

“May mga nagrereklamo naman doon na nag-iba na yung tubig. Imbis na dati iniinom nila, ngayon nag-iba na ang kulay, iba na ang amoy,” ani Rhoy.

Biag a Salakniban (Buhay na Pinoprotektahan)

Nagsisilbing pahingahan ng mga tagabantay ang mga duyan at papag sa ilalim ng mga itinayong tolda. Dito halos araw-araw na nagbabantay si Rhoy, habang patuloy na nag-iikot sa iba pang mga barikada sakaling may pagpupulong ng komunidad.

Giit niya, mahalagang tutulan ang exploration permit habang nasa paunang yugto pa lamang ang proyekto, bago pa ito humantong sa pagkakaloob ng Financial and Technical Assistance Agreement, isang kasunduang maaaring magbukas ng daan sa mas malawakang operasyon ng pagmimina.

Higit sa pagiging muog, naging tagpuan din ang barikada ng iba-ibang kultura at hilig ng mga residente. Sa pamamagitan ng pagtugtog ng musika at pagsayaw, naipapahayag at naisasalin nila ang diwa ng kanilang pagkakakilanlan at kolektibong paglaban. Kalimitan din silang naglalaro ng chess bilang libangan.

Kahit na may mga dumarating na donasyon mula sa iba-ibang organisasyon, pangunahing nagmumula sa sarili nilang bulsa at pagtutulungan ang suplay ng pagkain at pangangailangan sa barikada.

Ngunit hindi na bago ang ganitong anyo ng pagtindig.

Noong 2007, matagumpay na napaatras ng mga residente ng Barangay Pacquet ang Australian mining company na Royalco Philippines Inc. sa pamamagitan ng barikada, ngunit kapalit nito ang mahigit isang taong pakikipagbuno at marahas na pagbuwag sa kanilang hanay.

Dahil dito, nananatiling palaisipan para sa komunidad kung bakit patuloy pa ring nagkakaloob ng permiso sa pagmimina sa pitong kompanya sa nagdaang dekada. “Alam naman nila [ng MGB] na yung mga tao dito ayaw ng mining, ewan ko anong ginagawa nila bakit binibigyan ng permit yung mga company,” saad ni Rhoy.

Bagaman naglabas ang National Commission on Indigenous Peoples ng Certificate of Non-Overlap dahil sa katayuan ng lugar bilang resettlement area, kinakailangan pa ring magsagawa ng tapat na konsultasyon sa komunidad at makakuha ng Sanggunian Endorsement bago maaprubahan ang proyekto.

Subalit lingid sa kanilang kaalaman, naging daan ang mga “attendance sheet” na pinirmahan nila sa iba-ibang pulong ng barangay upang gamiting patunay ng kompanya sa pahintulot ng mga residente.

Sa kabila ng pagtutol na ito, patuloy ang panggigipit sa kanila ngayon. Kabi-kabilang kaso ng forcible entry at cyberlibel ang isinampa laban sa mga residente, lider-komunidad, at kasapi ng simbahan, bukod pa sa laksang kapulisan na nagtangkang buwagin ang barikada. Nitong Agosto 16 lamang, nakatanggap ng subpoena si Rhoy at iba pang mga residente ng Kakiduguen dahil sa mga kasong grave coercion, grave threats, at unjust vexation.

Ito rin mismo ang nagbunsod sa mga 80 residente na lumuwas noong Hulyo 14 sa Quezon City upang makipagdiyalogo sa DENR hinggil sa kanilang panawagang kanselahin ang permit ng NLMRC.

Ti Pudno a Kinabaknan (Ang Tunay na Kayamanan)

Sa gitna ng lumalawak na interes sa yamang mineral ng Kasibu, nabuo ang Kasibu Inter-Tribal Response Towards Ecological Development bilang tugon ng mga katutubo upang pangalagaan ang kanilang lupang ninuno at kapaligiran.

Sa dalisdis ng kabundukan nakatirik ang barikada sa Barangay Kakiduguen. Nakasaad sa karatula ang nagkakaisang tindig ng mga katutubo laban sa pagmimina. (Mark Lemuel Pabalan/AYEJ)
Sa dalisdis ng kabundukan nakatirik ang barikada sa Barangay Kakiduguen. Nakasaad sa karatula ang nagkakaisang tindig ng mga katutubo laban sa pagmimina. (Mark Lemuel Pabalan/AYEJ)

“Yung pagsasama-sama namin,” ani Rhoy, ang nagbibigay ng lakas ng loob sa ilang buwan na nilang pagbabarikada. Para sa mga residente ng Kasibu, hindi hiwalay sa kanilang laban ang mga karanasan ng karatig-komunidad na humarap din sa banta ng pagmimina.

Sa karatig-bayan ng Dupax del Norte, muling ipinakita ng mga residente ang lakas ng sama-samang pagkilos matapos pansamantalang suspindihin noong Pebrero 2026 ang exploration permit ng Woggle Corporation bunga ng walang-humpay na pagbabarikada mula Setyembre 2025. Kasunod nito, inanunsyo ng FCF Minerals na tuluyan na nitong ihihinto ang operasyon sa Runruno, Quezon.

Naninindigan ang mga residente at katutubo, gaya nina Rhoy at Arnold, na ang tunay na yaman ng kabundukan ay higit pa sa mga mineral kundi ang buhay, kultura, at kinabukasang kinakanlong nito. Nananatiling buo ang bigkis na nag-uugnay sa kanilang komunidad at lupang ninuno—bigkis na hindi mapapatid hangga’t nakatindig ang barikada.

Mark Lemuel Pabalan

Written by Mark Lemuel Pabalan

Si Mark Lemuel Pabalan ay kasalukuyang mag-aaral ng BA Kasaysayan sa Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman. Madalas siyang nagtutungo sa mga komunidad upang higit na palalimin ang kaniyang suri sa lipunan. Taong 2024 nang sumali siya sa Kulê bilang isang photojournalist. Si Mark Lemuel Pabalan ay kasalukuyang mag-aaral ng BA Kasaysayan sa Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman. Madalas siyang nagtutungo sa mga komunidad upang higit na palalimin ang kaniyang suri sa lipunan. Taong 2024 nang sumali siya sa Kulê bilang isang photojournalist.

View all stories

Comments

Comments are reviewed by our editors before they appear publicly.