KAWIT, Cavite - Pangunahing kabuhayan ng libo-libong pamilya sa Cavite ang pagtatahong, kabilang na ang pamilya ni Emmanuel “Ka Manny” Dobleso na ilang dekada nang kumakapit dito. Ngunit kasabay ng pagbabago ng kalikasan, patuloy ding nahaharap sa alanganin ang kanilang hanapbuhay dahil sa mga kumpanyang nakapipinsala sa karagatan.
Isa rito ang oil spill sa Manila Bay noong 2024 na nagpatigil sa pag-aani at pagbebenta ng tahong sa ilang bahagi ng lalawigan. Sa kabila ng pagkawala ng kita, patuloy pa ring nakikipagsapalaran si Ka Manny kasama ang iba pang magtatahong sa Cavite sa gitna ng mga hamon sa kanilang kabuhayan.
Tahanan sa tahungan
Sa ilalim ng Malamok Bridge sa Kawit, Cavite, nakahanay ang mga bangka. Sa gilid nito ay ang mga barong-barong kung saan madalas mamalagi si Ka Manny kasama ang kaniyang mga kapwa magtatahong na sina Joel Fuentes, Francis Aguhayon, at Philip La Viste.

Tulog pa ang karamihan, ngunit nakaisang tasa na ng kape si Ka Manny. Sinusulit niya ang bawat lagok upang maibsan ang antok bago asikasuhin ang mga kailangan para sa maghapong pagpalaot. Samantalang hinahanda naman nina Joel ang kanilang bangka at baon bago magtungo sa baklad. Bitbit ang kanilang mga pangyapak at goggles, maagang pumapalaot sina Joel kasama ang iba pang magtatahong sa lugar. Patungo sila sa mga ekta-ektaryang baklad sa Manila Bay kung saan inaalagaan at inaani ang mga tahong.
Sa gitna nito, may mga kubo na gawa sa pinagtagpi-tagping kawayan at yero na nagsisilbing himpilan nila habang nagtatrabaho sa baklad. Mula rito, sumisisid sila upang isa-isang suriin ang mga lubid na kinakapitan ng mga tahong at tiyaking maayos ang paglaki ng mga ito.

Mula sa pagiging semilya, inaabot ng lima hanggang anim na buwan bago kumapal ang kapit ng mga ito sa lubid. Kapag panahon na ng anihan, pinipili lamang nila ang malalaki at iniiwan ang maliliit. Upang manatiling nakalutang ang mga lubid na kinakapitan ng mga tahong sa ilalim ng dagat, gumagamit sila ng mga boya bilang pananda at suporta. Noon, kawayan at mga lumang galon ng tubig ang karaniwang ginagamit bilang boya, ngunit sa paglipas ng panahon, unti-unti itong napalitan ng mga plastik na container dahil mas mura ang mga ito kaysa sa kawayan at mas matibay kaysa sa mga lumang galon ng tubig.
Nagkakahalaga ng P70 ang isang plastik na container at P130 ang isang kawayan. Bagaman limang piso lamang ang isang lumang galon ng tubig, apat o higit pa ang kailangan upang mapantayan ang isang plastik na container.

Gamit ang compressor at mahahabang hose, sumisisid sina Joel sa lalim na humigit-kumulang limang dipa upang suriin ang mga lubid at tingnan kung maaari nang anihin ang mga tahong. Umaahon na lamang sila makalipas ang halos dalawang oras dala ang mga sisidlan na puno ng tahong. Pagkaahon, inaapak-apakan muna ang mga ito upang maalis ang putik at mga taliptip bago paghiwalayin at salain nang paulit-ulit.
Masuwerte na sina Joel kung makapag-uuwi sila ng ilang galon ng tahong sa isang araw. Ngunit bago pa man nila ito maibenta sa mga palengke, bawas na agad ang kanilang kikitain dahil sa gastos sa gasolina at bayad sa mga kasamahan niyang sumisisid at nagtitiktik ng tahong. Umaabot sa P100 ang halaga ng isang galon ng tahong. Gayunman, nakadepende pa rin ang kanilang kita sa dami ng order na kanilang matatanggap. Dahil dito, walang katiyakan kung may maiuuwi silang kita araw-araw.

Ngunit hindi lamang mababang kita ang araw-araw na kinakaharap nina Ka Manny. Sa bawat pagpalaot, nakasalalay rin ang kanilang kabuhayan sa kondisyon ng dagat, gaya kapag umuulan, bumabaha, o kapag nagiging “masama ang tubig.”
“Masama ang tubig” ang tawag sa paglabo at pagiging kulay kalawang ng tubig. Kalakip nito ang pagsayad sa putik ng mga lubid na kinakapitan ng mga tahong na nagreresulta sa pagkamatay ng mga ito, ani Ka Manny.
Hindi na bago sa mga magtatahong tulad ni Ka Manny ang ganitong sitwasyon. Taon-taon nila itong nararanasan tuwing nagbabago ang panahon at kung minsan ay tumatagal pa nang halos isang linggo bago muling luminaw ang dagat.
““Kapag masama ang tubig, wala kaming magagawa doon. Hindi naman namin masosolusyunan iyon. Patay lahat ng tahong namin. Back to zero,” ani Ka Manny.”
Ngunit hindi lahat ng pagsubok sa dagat ay dulot ng kalikasan. May mga sakunang gawa ng tao na mas matagal humupa kaysa sa anumang unos. Isa rito ang oil spill na nagbanta sa kabuhayan ng libo-libong magtatahong sa Cavite.
Latak ng langis
Matagal nang hindi naaaninag ang pinsalang iniwan ng oil spill, ngunit bakas pa rin ito sa mukha ng mga magtatahong na minsang nawalan ng kabuhayan. Para kina Ka Manny, hindi natapos ang oil spill nang mawala ang langis sa ibabaw ng tubig.
Dalawang taon na ang nakalipas mula nang lumubog ang MT Terra Nova noong Hulyo 25 sa karagatan ng Bataan habang may kargang 1.4 milyong litro ng industrial fuel oil. Mula sa Manila Bay, kumalat ang langis hanggang sa ilang baybaying lalawigan, kabilang ang Cavite.
Dahil sa banta ng kontaminasyon, ipinatupad ang Executive Order No. 38, Series of 2024, na pansamantalang nagbawal sa pag-aani, pagbebenta, at pagkonsumo ng tahong at iba pang lamang-dagat sa siyam na munisipalidad, kasama ang Kawit.
Isa si Ka Manny sa tinatayang mahigit 25,000 mangingisdang naapektuhan ng oil spill. Bagaman hindi direktang natakpan ng langis ang kanilang mga baklad, bumagsak ang industriya ng tahong dahil sa pangamba ng mga mamimili.
Ilang buwan ding natigil ang kanilang hanapbuhay dahil sa naturang kautusan. Dahil hindi sila makapalaot at makapagbenta, napilitan ang ilan sa kaniyang mga kasamahan na pumasok sa konstruksiyon kagaya nina Joel. Samantala, tumulong si Ka Manny sa pagtitinda kasama ang kaniyang asawa sa palengke.
Hindi ito ang unang oil spill na dinanas nina Ka Manny at iba pang mga magtatahong sa Cavite. Noong 2013, nagkaroon ng oil spill mula sa lumubog na pipeline, bago muling humampas ang pinsala makalipas ang isang dekada mula sa MT Princess Empress kung saan libo-libong mangingisda ang naapektuhan.
Umaabot ang oil spill sa Cavite dahil sa natatangi nitong lokasyon, kaya nagiging saluhan ito ng langis at basura mula sa iba-ibang bahagi ng bansa. Mayroon ding malaking papel ang daloy ng tubig at hangin kung kaya umabot sa mga baybaying komunidad nito maging ang langis mula sa malalayong lugar, saad ni Dr. Irene Rodriguez ng UP Marine Science Institute sa panayam sa AYEJ.
Dahil dito, hindi lamang tuwing may oil spill naaapektuhan ang mga komunidad na umaasa sa Manila Bay. Patuloy din nilang kinakaharap ang mga polusyon na nakaaapekto sa yamang-dagat at kanilang kabuhayan. Sa kabila ng mga isinasagawang hakbang upang mapanatiling malinis ang look, marami pa ring basura ang nakokolekta rito.
Nitong Agosto 14, mahigit 2,000 sako ng basura ang nakuha sa isang bahagi pa lamang ng Manila Bay. Sa ngayon, mahalagang paigtingin ang waste management at mga polisiyang nakatuon sa pangangalaga ng baybayin at yamang-dagat, dagdag ni Dr. Irene Rodriguez.

Sa kasagsagan ng pagbabawal sa pag-aani at pagbebenta ng tahong, namahagi ang pamahalaan ng mga relief package at financial aid para sa mga residenteng naapektuhan ng oil spill. Isa si Ka Manny sa mga nakatanggap ng naturang ayuda, ngunit isang beses lamang siyang nabigyan nito.
Bagaman nakatulong ito, hindi nito natumbasan ang mga buwang nawalan sila ng hanapbuhay. Sa halip, inilaan ni Ka Manny ang bahagi ng natanggap niyang ayuda sa pagpaparehistro ng kanilang samahan, ang Nagkakaisang Magtatahong at Mangingisda ng Kawit.
Umaasa siyang sa pamamagitan ng pagiging opisyal na organisasyon ay mas magiging madali para sa mga magtatahong at mangingisda na maipaabot sa pamahalaan ang kanilang mga hinaing at pangangailangan sa tuwing may mga kinahaharap silang mga krisis.
Hanggang ngayon, hindi pa rin ganap na nakakabawi sa mga nawala ang mga magtatahong sa Cavite sa nangyaring oil spill. "Paliit nang paliit ang pinagkakabuhayan namin. Paano ang mga mamamayan na umaasa lamang sa dagat para mabuhay? Papatayin mo ang hanapbuhay sa dagat," ani Ka Manny.

Ilang oil spill na ang dinaanan nina Ka Manny at ng iba pang mga magtatahong, ngunit patuloy pa rin silang bumabangon. Tulad ng mga tahong na magkakadikit sa bawat baklad, magkakasama rin nilang hinaharap ang bawat krisis na dumarating sa kanilang kabuhayan.
Sa bawat pagpalaot at pagbabalik sa baklad, hindi lamang tahong ang kanilang inaahon, kundi ang pag-asang ang dagat na nagbigay-buhay sa kanila ay mananatiling kanlungan ng kanilang pangarap.

Comments